amíhan
meteorology, climate, wind patterns, weather, weather patterns, Philippine Weather, Philippine mythology, mythology, mythical birds, mythical creatures, seasons, Philippine climate, folklore
Amíhan ang tawag sa simoy mula sa hilaga o hilagang-silangan. Nagmumula ito sa bahaging Siberia at China. Nagdudulot ito ng katamtamang temperatura, may daláng ulan ngunit madalas ay wala, at hanging mula sa silangan. Nagsisimula ito tuwing Setyembre o Oktubre at nagtatapos ng Mayo o Hunyo subalit maaaring magbago depende sa kondisyon ng panahon sa bawat taón. Tinatawag itong aguy-óy, balás o sabalás ng mga Tagalog at Kapampangan, at amyán ng mga Ilokano, Mëranaw, at Pangasinan.
Itinuturing ng sinaunang paniwala na isang mahinhin at mapagpalàng simoy ang amihan, lalo’t humihihip ito sa panahon ng anihan ng palay kung Disyembre. Sa malaking titik, ang Amihan ay isa ring mitikong ibon sa ala-mat ng mga Tagalog at isa sa mga nilaláng na nabuhay sa santinakpan kasáma sina Bathalà at Amansináya. Ito ang tumuka sa kawayan na nang mabiyak ay naglabas sa mga unang tao sa mundo—sina Malakás at Magandá. (AMP)