amarílyo

Philippine Flora, Flowers in the Philippines, Cooking ingredients, medicinal plants, traditional medicine, herbs, flowers

Ang  amarílyo (Tagetes  patu-la) ay isang yerba na may halimuyak ang salít-salít na dahon; dilaw, mamulá-mulá,  at  malago ang bulaklak; at tumataas nang 60 sentimetro. Nagmula sa Español na amarillo ang pangalan nitó at katutubo  sa  Mexico. Kilalá rin ito sa Filipinas bilang márigóld na nása genus na Calendula Tagetes.

Ang mga dahong hugis sibat ng amarílyo ay makikitid at may ngipin-ngipin ang mga gilid. Magkakapares ang mga dahon sa bawat tangkay. Ang langis na nagmumula rito ay ginagamit na pampalasa sa pagkain. Paisa-isa naman ang bulaklak sa bawat tangkay na umaabot sa kalahating pulgada ang diyametro ng mga talulot. Makakain ang bulaklak ng amarílyo, at maaaring ihalò sa mga pampalamig. Ang mga natuyong bulaklak ay ginagamit ding pamalit para sa mamahaling saffron, upang magbigay ng kulay-dilaw sa pagkain o tela. Ilan sa katutubong gamit ng amarílyo ay ang pagpapakulo nitó sa tubig para maibsan ang kabag. Ipinaiinom din ang katas nitó para sa mga hindi matunawan, may ubo, nag-iiti, o may apád o pananakit o paninigas ng tiyan. Ipinampapahid din ang langis nitó para magkaroon ng ginhawa sa rayuma. Ang katas naman ay ipanggagamot sa sore eyes o bísil. Ang mga katas ng ugat ng amarílyo ay pinaniniwalaang nakapapatay ng insekto sa lupa gaya ng mga bulate o susô. Ang halimuyak nitó ay nakabubugaw din ng mga langaw. Karaniwang itinatanim at pinararami ang amarílyo rito sa Filipinas bílang pampaganda ng kapaligiran. (ECS)

 

Cite this article as: amarílyo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/amarilyo/

Related Articles