Amá Námin

Catholicism, Catholicism in the Philippines, prayer, Marcelo H Del Pilar, Propaganda Movement

 

 

Ang Amá Námin (Pater Noster sa Latin) o kilalá rin bí-lang Panalangin ng Panginoon o sa Ingles bílang The Lord’s Prayer ay ang pinakakilaláng panalanging Kristiyano na itinuro ni Hesus ng Nazareth. Mayroon itong dalawang bersiyon sa Bagong Tipan: bílang bahagi ng Sermon sa Bundok sa Ebanghelyo ni Mateo; at bílang kahilingan kay Hesus ng isa sa kaniyang mga disipulo na maturuan silá ng pagdarasal sa Ebanghelyo ni Lukas. Bahagi ito ng halos lahat ng seremonyang Katoliko at ng pagrorosaryo. Na-limbag ang unang salin nitó sa Doctrina Christiana (1593) sa sumusunod na paraan:

 

Ama namin, na sa langit ca ypasamba mo ang ngalan mo, moui sa amin ang pagcahari mo. Ypa sunod mo ang loob mo dito sa lupa parang sa langit, bigyan mo cami ngaion nang aming cacanin, para nang sa araoarao, at pa-caualin mo ang aming casalanan, ya iang uinaualan bahala namin sa loob ang casalanan nang nagcacasala sa amin. Houag mo caming aeuan nang di cami matalo nang tocso. Datap-ouat yadia mo cami sa dilan masama. Amen, Jesus.

 

Sa kaniyang Dasalan at Tocsohan (1888), isang koleksiyon ng mga dasal sa paraang parodya at naglalaman ng mga tuligsa sa ipokrisya at kasakiman ng mga fraile, isa ang Ama Namin sa mga ipinantudyo ni Marcelo H. Del Pilar. Pinamagatan niya itong “Amain Namin”:

 

Amain naming sumasakumbento ka, sumpain ang ngalan mo, malayo sa amin ang kasakiman mo, kitlin ang leeg mo dito sa lupa para ng sa langit. Saulan mo kami ngayon ng aming kaning iyong inaaraw-araw at patawanin mo kami gaya ng pagtawa mo kung kami’y nakukuwaltahan mo; at huwag mo kaming ipahintu-lot sa iyong mapanukso at iadya mo kami sa masama mong dila. Amen.

 

Ipinaimprenta diumano ang Dasalan at Tocsohan ni M.H. del Pilar, lihim na ipinamudmod sa simbahan kapag may misa, at itinuturing na isang marikit na halimbawa ng pa-nitikan ng Kilusang Propaganda. (KLL)

 

Cite this article as: Amá Námin. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ama-namin/