Encarnacion A. Alzona
(23 Marso 1895–13 Marso 2001)
National Scientist of the Philippines
Pambansang Alagad ng Agham si Encarnacion Alzona (En·ka-r·nas·yón Al·zó·na) bílang isang pangunahing historyador at mananaliksik sa kasaysayan. Kilalá rin siyáng masugid na tagapagtaguyod ng kagalingan at karapatan ng kababaihang Filipino. Pinangunahan niyá ang paggigiit sa karapatan ng kababaihan upang makaboto nang malaya. Bílang pagkilála sa kaniyang natatangi at makabuluhang pag-aambag sa larangan ng historyograpiyang Filipino at paggabay sa mga sumunod na henerasyon ng mga akademiko at historyador, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 1985.
Nilimbag noong 1932 ang kaniyang A History of Education in the Philippines 1565-1930. Ito ang kauna-unahang aklat na sinulat ni Alzona. Komprehensibong tinalalakay nitó ang pag-unlad at mga makabuluhang pangyayari sa sistema ng edukasyon at kultura sa Filipinas mula sa pananakop ng mga Español hanggang sa kolonyal na paghahari ng Estados Unidos. Ayon sa mga dalubhasa, ang akdang pangkasaysayan ni Alzona ay maituturing na pinakakompleto at lahatang-panig na pananaliksik hinggil sa kalagayan ng edukasyon. Naging pangunahin din siyáng tagasalin at tagapagpaliwanag ng mga akda ni Rizal. (SMP)