Vicente Alvarez

(5 Abril 1862–4 Nobyembre 1943)
Filipino revolutionary general from Zamboanga

Matagumpay na pinunò ng Himagsikang Filipino sa Zamboanga, isinilang si Vicente Alvarez (Vi·sén·te Al·va·réz) noong 5 Abril 1862 kina Alejo Villasis Alvarez at Isidora Solis. Dahil malapit ang ama niyá kay Gobernador Heneral Ramon Blanco ay ginawa siyá nitóng segundo oficial mayor sa Malacañang. Malimit siyáng magbiyahe sa Mindanao at Sulu kayâ naging kaibigan siyá sa mga katutubo doon. Ngunit sanhi din ito ng nasaksihan niyáng pagmamalabis ng mga Español sa mga katutubo, bukod sa mababàng trato sa mga Muslim.

Sumapi siyá sa Katipunan at nagtatag ng sangay nitó sa Zamboanga. Dahil sa pagsiklab ng Himagsikang 1896 ay hinatak ang mga puwersang Español mulang Zamboanga upang idestino sa Luzon. Sinamantala ni Alvarez ang nabawasang puwersang Español at sinimulan ang pag-aalsa sa Zamboanga noong Marso 1898. Nakuha niyá ang buong peninsula maliban sa mabigat na tanggulan ng daungan ng Lungsod Zamboanga at Fuerza Pilar. Dahil sa kaniyang tagumpay, hinirang siyá ni Pangulong Aguinaldo na lider ng gobyerno sa Zamboanga at Basilan.

Pinakamalaking tagumpay niyá ang pagbihag sa 13 bapor pandigma ng mga Español noong 7 Abril 1898. Bahagi ang mga bapor ng plota ni Almirante Patricio  Montojo na nakahimpil sa Kipot Basilan. Sa tulong ng dilim, pinangunahan ni Alvarez ang 100 manghihimagsik  na lumusob sa mga bapor, pinatay ang mga opisyal, at inilipat ang mga ito sa bayan ng Mercedes. Noong 4 Mayo 1899, kinubkob ng hukbo ni Alvarez ang buong daungan at kuta ng Zamboanga at kinuha ito pagkaraan ng madugong labanan. Dahil dito, iginawad sa kaniya ni Aguinaldo ang ranggong heneral.

Noong 1900, inalok siyá ng mga Americano ng P75,000 para sumuko. Tinanggihan niyá ang alok. Nabihag siyá sa kabundukan ng Oroquieta, Misamis Oriental noong Marso 1900, dinalá sa Maynila, at ipiniit hanggang sumumpa ng katapatan sa Estados Unidos noong 2 Agosto 1901. Minahalaga ng mga Americano ang kaniyang karanasan kayâ binigyan siyá ng posisyon sa pamamahala ng Moro Province. Noong 20 Oktubre 1904, naging opisyal siyá sa Konstabularya ng Filipinas. Namatay siyá sa panahon ng Japanese noong 4 Nobyembre 1943 sa gulang na 81 taón. (VSA)

Cite this article as: Alvarez, Vicente. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/alvarez-vicente/