alumáhan

Philippine Fauna, fish, aquatic animals

Ang alumáhan (Rastrelliger kanagurta) ay kabílang sa pamilya Scombridae. Ito ay matatagpuan sa kanlurang Indo-Pacifico, mula Red Sea at Silangang Africa hang-gang Indonesia, hilaga ng mga isla sa Ryukyu at China, timog Australia, Melanesia, at Samoa. Ito ay mahalagang komersiyal na espesye ng isda sa Filipinas.

Ang katawan ng alumáhan ay bahagyang malalim at ang lalim sa gilid ng talu-kap ng hasang ay umaabot sa 4.0–4.8 na beses ng habà ng sanga sa buntot. Ang likod ay malalungtiang itim, kulay pilak ang gilid na malaginto. May makipot at maitim na linya sa itaas ng katawan at isang itim na batik malapit sa ibabâ ng palikpik sa pektoral. Ang ulo ay mas mahabà kaysa lalim ng katawan. Ang panga ay bahagyang nakatago, binabalutan ng isang buto at umaabot sa likod ng matá. May mahahabàng kalaykay sa hasang na makikita kapag ang bibig ay nakabukás. Ang balahibo sa mahahabàng kalaykay ng hasang ay may bílang na 105 sa alumahan na may laking 12.7 sentimetro, 140 para sa 16 sentimetro, at 160 naman para sa 19 sentimetro ang laki. Ang bituka ay 1.3–1.7 na beses mas mahabà kaysa habà ng katawan. Ang likod na palikpik ay may 8–11 tinik. Ang tinik sa palikpik sa puwit ay hindi pa ganap na buo. Ang karaniwang laki ng alumahan ay 20–25 sentimetro at ang pinakamahabàng naitalâ ay 35 sentimetro.

Ang alumáhan ay matatagpuan sa baybayin, look, puwerto, kadalasan sa malalabòng pook ngunit sagana sa pagkain. Nagsasáma-sámang lumangoy ang mga alumahang magkakasinlaki. Kalimitang kinakain ay plangkton at maliliit na hipon at isda. Ito ay ibinebenta nang sariwa, inilagay sa yelo, delata, tuyo, inasnan, at pinausukan. Ito ay ginagawa ring patis. (MA)

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: alumáhan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/alumahan/