alugbáti

Philippine Flora, Plants, vegetables, medicinal plants

Ang alugbáti o alukbáti ay may malambot, makinis, at matubig na sangang gumagapang. Mabilis ang paglago nitó. Hindi nitó kailangan ang masusing pag-aalaga. Nabubúhay ito sa mga tropikong lugar sa Asia at Africa.

Ang mga dahon nitó ay malamán, hugis puso, at manipis na tulad ng okra at saluyot. Nagkukulay berde o lila ang kulay nitó depende sa edad. Ang mga tangkay nitó ay patusok ang mga dulo at lumalaki hanggang 12 sentimetro. Ang bunga ng alugbati ay matubig, walang tangkay, at hugis biluhaba. Kulay lila ito kapag magulang na. Namumulaklak din ang alugbati at ang nagiging bunga nitó ay nagkukumpol-kumpol kapag tumanda na. Paborito din itong pagkain ng mga ibon.

Ang alugbati ay may kalsiyum, iron, at mga bitamina A, B at C. Ang mga dahon, sanga, at buto nitó ay makakain lahat. Ginagamit naman ang dagta sa paggamot ng acne. Ang mga dahon na kulay lila ay ipinanggagamot sa sakít ng ulo at tiyan. Kinukuha ang katas ng mga dahon at inilalahok sa langis para gamiting gamot sa pasò. Maaari din itong pampakinis ng pisngi at labì. Ang natural na kulay nitó ay ginagamit na pangkulay sa iba pang pagkain. Bukod sa mga ito, maganda ding ipandisenyo ang alugbati sa mga hardin.

May iba’t ibang tawag din ang alugbati sa Filipinas, gaya ng arogbati sa Bikol, dundul sa Sulu, ilaibakir sa Ilokano, at libato at grana sa Tagalog. (ACAL)

 

 

 

 

 

Cite this article as: alugbáti. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/alugbati/

Related Articles