almúgan

mythical animals, mythical birds, folklore, mythology, folklore

Ang almúgan ay isang mahiwagang ibon na nakapagsasalita. Katumbas ito ng limókon ng mga Mangyan na naniniwalang nagmula sa itlog nitó ang sinaunang tao sa mundo.

Para sa mga Bilaan, isang pangkating etniko na matatagpuan sa Davao del Sur, itinatakda ng almúgan ang lupang pagtataniman. Nagdadalá ang isang lalaking Bilaan ng apat na kawayang may 60 sentimetro ang habà sa gubat at hinihintay ang huni ng almúgan na nagsasabi kung mabuting pagtamnan ang lugar o hindi. Maaaring magtagal ang paghihintay, subalit sa sandaling lumikha ng huni ang almúgan, ihihilera ng lalaki ang kawayan sa lupa nang nakaturo ang sa direksiyong pinagmumulan ng tunog. Kapag matuwid ang pagkakatindig ng mga kawayan, magiging mabuti ang ani sa lupang iyon; kapag yumuyuko ang mga ito, kailangan niyang maghanap ng ibang lugar na mapagtataniman.

Nag-aalaga rin umano ang mga Bilaan ng almúgan na inilalagay nilá sa isang kulungang isinasabit malapit sa bintana. Ito ang nagbibigay ng babala kapag may parating na kaaway o hindi kakilála. Kapag lumikha ito ng ingay nang tatlong beses, babala umano iyon laban sa binabalak na paglalakbay. Kapag lumilikha naman ng ingay ang almúgan sa gabi, may masamâ umanong nakapaligid sa tahanan.

Sa pagdiriwang sa Pistang Kalilangan ng mga Bilaang nakatira sa Lungsod General Santos, itinatampok ang tunog ng almúgan sa pamamagitan ng sayawan at musika kasabay ng mga pag-aalay para sa pagtataboy ng salot sa mga pananim. (ECS)

 

 

 

 

 

Cite this article as: almúgan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/almugan/

Related Articles