Alkalde
A term that presently refers to “mayor”; Spanish origin
Ang alkálde ay nagmula sa salitang Español na alcalde at tumutukoy ngayon sa pinunò ng isang munisipalidad o lungsod. Tinatawag na alkaldésa kung babae, at ginagamit din ito para sa asawang babae ng alkálde. Sa kasalukuyan, tinatawag ding méyor, mula sa Ingles na mayor, ang punò ng isang lungsod o munisipalidad.
Noong panahon ng kolonyalismong Español sa Filipinas, unang ipinantawag ang “alkalde” sa alkálde mayór na pinunò noon ng isang alkaldíya o ang pamahalaang sibil ng isang lalawigan. Itinatalaga ito ng gobernador heneral. Hinati noon ang bansa sa labindalawang probinsiya na pinamumunuan ng labindalawang alkalde mayor. Kabílang sa tungkulin niya ang pangangasiwa sa pamahalaang sibil, pagpapatupad ng hustisya sa nasasakupan, pangongolekta ng buwis, at pagtatanggol ng alkaldiya sa pag-atake ng mga táong-labas. Hinahawakan ang posisyong ito sa loob ng tatlo hanggang anim na taón.
Upang maitalagang alkálde mayor, kinakailangang may dugong Español, at dalawang taón nang nakapagtapos ng abogasya. Maaaring bilhin ang posisyon o igawad sang-ayon sa pagtangkilik sa hari ng España. Sa paglipas ng mga taón, dahil sa matinding pag-abuso sa posisyon, kinailangang maglagak ng pera ng ibig maging alkalde mayor lalo pa’t siyá rin ang magsisilbing ingat- yaman at tagakolekta ng kinita ng bayan.
Bago ang 1844, maraming alkalde mayor ang mangangalakal na ginamit ang posisyon upang kumita ng salapi, sang-ayon sa indulto de comercio na nagbigay-karapatan sa mga alkalde mayor na makipagkalakalan. Nagbukás ito ng pagkakataón upang magtatag ng monopolyo ang namumunò sa nasasakupan. Makalipas ang 1844, ipinagbawal ang pagsangkot sa negosyo ng alkalde mayor. Sa bandáng dulo ng pananakop ng mga Español, naging ganap na huwes ang mga alkalde mayor.
Sa panahon ng Americano nalipat ang pangalang alkalde sa pinunò ng bayan o lungsod. Sa panahon ng Español, ang pinunò ng bayan ay tinatawag na gobernadorsilyo. Samantala, sa panahon ng Americano, ang pinunò ng lalawigan ay tinawag na gobernadór at governor sa Ingles. (ECS)