alimásag

Philippine Fauna, Aquatic Animals, crab

 

Ang alimásag (Portunus pelagicus Linnaeus, 1758) ay kabilang sa pamilya Portunidae. Ito ay tinatawag ding “kasag” sa Bisaya. Ito ay matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Karagatang Pacifico, mula Japan, Filipinas at sa buong Timog Silangang Asia hanggang Indonesia, Silangan ng Australia, at mga isla ng Fiji.

Ang talukab nitó ay malapad, magaspang, at may mga batik. Karaniwang sukat ng talukab ng lalaki ay pitóng sentimetro samantalang 6.5 sentimetro naman ang sa ba-bae. Ang harapang bahagi ay may apat na ngiping hugis tatsulok at siyam na ngipin naman sa may gilid. Ang pinakalabas na ngipin ay 2 hanggang 4 na mas malaki kaysa susunod. Ang sipit ay pahabâ (mas marami ang sa lalaki kaysa babae) at may ngipin na korteng apa sa ilalim ng mga galamay. Ang mga binti ay pahabâng unat at ang dalawang bahagi ng hulíng pares ay hugis sagwan. Ito ay nagtataglay ng matibay na sipit na pansunggab at kung tawagin ay chelipeds. Ang chelipeds ay mahabà, matigas, matinik at magulugod. Ang lalaki ay makulay at may mga asul na marka samantalang ang babae ay kulay mapusyaw na lungtian.

Ang alimasag ay matatagpuan sa mga mabuhangin at ma-putik na bahagi ng tubig, sa lalim na 10 hanggang 50 metro, malapit sa mga bangkota, bakawan, at lusayan. Ang batàng alimasag ay kadalasang naglalagi sa mas mababaw na bahagi ng tubig. Ito ay matanda na kapag sumapit ng isang taón. Karniboro ito at kumakain ng iba’t ibang uri ng organismo, tulad ng maliliit na alimasag, molusko, at uod. Bihira itong kumakain ng halaman.

Hinuhúli ito sa pamamahitan ng pante, bintol, o kulun-gan na may paing isda o anumang klaseng karne at ito ay nakalagay sa ilalim ng tubig. Ang Filipinas ay isa sa mga bansang may pinakamaraming húli ng alimasag. Ito ay ibinebenta nang sariwa o inilagay sa yelo sa mga palengke o pabrika na nagdedelata  ng  mga alimasag.         Mas múra ang presyo nitó kaysa alimango. (MA)

 

 

 

 

 

Cite this article as: alimásag. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/alimasag/