alimángo

Philippine Fauna, Aquatic Animals, crab

Ang alimango [Scylla serrata (Forsskal)] ay kabílang sa pamilyang Portunidae. Ito ay tinatawag ding alama,” “rasa,”o “kangrého” (mula sa Español na cangrejo). Ito ay makikita sa Indo-Pacipico, mula Japan, China, Filipinas, mga isla ng Hawaii  hanggang  Australia, Indonesia, silangan at timog ng Africa.

Ang talukab ng alimángo ay hugis pamaypay na may makinis na balát at ang paligid ng hara-pan ay may anim na tinik sa pagitan ng mga matá at si-yam na tinik naman sa gilid na loob. May malalim na hugis H sa gitnang bahagi. Minsan ang talukab ng malalaking lalaki ay higit sa 20 sentimetro ang lapad na may bigat na 1.5 kilo. Ito ay nagtataglay ng matibay na sipit na pansunggab na kung tawagin ay cheliped. Ang cheliped ay matigas at matipuno. Tulad ng ibang miyem-bro ng pamilyang Portunidae, ang hulíng pares ng binti na malasagwan ang hugis ay ginagamit panlangoy. Ang sipit ng lalaki ay nagiging malaki. Ito ay kulay berdeng abo o kayumangging lila.

Ang alimángo ay naninirahan sa maputik na ilalim ng tubig sa may pampang, bakawan, at bunganga ng ilog. Ito ay aktibo at agresibo. Ito ay isang karniboro at ku-makain ng molusko, krustaseo, uod, halaman, at mga labí ng hayop. Hinuhúli ito sa pamamagitan ng pante, bintol, o kulungan na may paing isda o anumang klaseng karne na inilalagay sa ilalim ng tubig.

Ang babaeng may magulang na obaryo at maraming alige ay mas mahal ang presyo at masarap, samantalang ang mga lalaki naman ay múra kahit gaano kalaki. Ito ay kada-lasang ibinebenta nang buháy. (MA)

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: alimángo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/alimango/