Aliguyon

epics, folklore, Ifugao

 

 

Si Aligúyon ang lalaking bayani sa Hud-hud, ang epikong-bayan ng mga Ifugaw

 

sa kabundukang Cordillera. Sa isang salaysay, ipinanganak siyá  kina  Amtulao at Dumulao, ang pinakamariwasang mag-asawa sa bayan ng Hannanga. Kahit musmos pa ay nagpakita na ng natatanging talino, liksi, at lakas si Aliguyon. Nang pitóng gulang pa lámang siyá ay sinasamahan na niya ang ama sa pangangáso.

 

Mahilig kuwentuhan si Aliguyon ng kaniyang ama, at laging nauuwi ang kuwento kay Pangaiwan, ang mortal na kalaban ni Amtulao sa bayan ng Daligdigan. Kailan-gang mapuksa si Pangaiwan bago pumanaw si Amtulao nang mapayapa. Kung kayâ’t nang nagbinata siyá, nag-tungo si Aliguyon, kasáma ang kaniyang mga kaibigang lalaki, sa Daligdigan upang hamunin si Pangaiwan sa isang labanan. Ngunit matanda na ang hulí, at huma-lili sa kaniya sa laban ang anak na si Pumbakhayon, isang mandirigmang kasinlakas at kasintalas ni Ali-guyon. Dahil hindi nakaaangat ang isa sa isa, at kahit ang kani-kaniyang kaibigan ay magkakasinlakas, tuma-gal ang labanan nang tatlong taón. Walang nagwagi o malubhang nasugatan. Sa hulí, napagod na rin ang da-lawang panig. Naibigan na rin ng mga taga -Daligdigan sina Aliguyon dahil sa ipinamalas niláng katapangan at patas na pakikipaglaban, at ang mga taga-Hannanga naman ay naibigan ang mga mayuyuming binibini ng Daligdigan. Nagpasiya ang dalawang kampo na itigil ang hidwaan. Nagkaroon ng malaking pagdiriwang. Hindi nagtagal ay umibig si Aliguyon kay Bugan, ang babaeng anak ni Pangaiwan, at hiningi ang kamay nitó. Nang makapag -isang-dibdib sina Aliguyon at Bugan, bumalik silá sa Hannanga upang ipaalam kay Amtulao na “pinaslang” na ni Aliguyon ang kaniyang katung-galing si Pangaiwan nang ginawa niya itong kaibigan.

 

Mula noon ay namuhay nang masayá at mapayapa ang mga tauhan sa dalawang bayan.

 

Bílang isang natatanging tauhan sa panitikang Filipino, patuloy na nababanggit at muling nagagamit bílang ka-rakter si Aliguyon sa mga kontemporaneong akda, tulad ng sa Huling Hudhud ng Sanlibong Pagbabalik at Paglimot para sa Filipinas Kong Mahal, isang makabagong epiko ng Pambansang Alagad ng Sining Rio Alma (Virgilio S. Al-mario). (PKJ)

Cite this article as: Aliguyon. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/aliguyon-2/