Jose Alejandrino
(1 Disyembre 1870–1 Hunyo 1951)
Filipino general in the Philippine Revolution and Philippine-American War; Propagandist
Si Jose Alejandrino (Ho·sé A·le·han·drí·no) ay isang hinahangaang heneral ng Himagsikang Filipino, propagandista, at senador.
Naging kasapi siyá ng kilusang propagandistang La Solidaridad hábang nag-aaral sa España. Bilang malapit na kaibigan ni Jose Rizal, siyá ang pinagkatiwalaan nitó na magdalá ng manuskrito ng El Filibusterismo sa palimbagan at mamahagi ng kopya. Noong 1896, naatasan siyáng magtungo sa Hong Kong upang bumili ng mga dinamita at armas para sa Himagsikang Filipino. Pagbalik sa bansa, naglingkod siyá sa Kongresong Malolos at itinalagang direktor ng agrikultura at hepe ng mga inhinyero ng hukbong katihan ng Filipinas.
Pagsiklab ng Digmaang Filipino-Americano, hinirang siyáng heneral at namunò sa mga sundalong nakatalaga sa Gitnang Luzon. Naging gobernador-militar siyá ng Pampanga pagkaraan. Nagsilbi rin siyáng kalihim ng digmaan ng pamahalaang rebolusyonaryo. Noong 1923, sa panahon ng pananakop ng Americano, itinalaga siyáng senador ng Mindanao at Sulu. Noong 1934, nahalal siyáng kinatawan ng Pampanga sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Sumulat din siyá ng aklat na pinamagatang La Senda del Sacrificio na naglalarawan ng kaniyang mga pakikipaglaban noong Himagsikan.
Isinilang siyá noong 1 Disyembre 1870 sa maykayang pamilya sa Binondo, Maynila. Nakamit niya ang Batsilyer sa Arte sa Unibersidad ng Santo Tomas bago nagtungo sa España, at tumuloy sa Belgium upang ipagpatuloy ang pagpapakadalubhasa sa larang ng chemical engineering sa Unibersidad ng Ghent. Pumanaw siyá noong 1 Hunyo 1951. (PKJ)