Federico A. Alcuaz
(6 Hunyo 1932–2 Pebrero 2011)
Filipino painter and sculptor; National Artist for Visual Art
Si Federico A. Alcuaz (Fe·de·rí·ko Ey Al·ku·wáz) ay isang prolipikong pintor, eskultor, at tanging Filipinong artista na nagkamit ng pinakamaraming gantimpala at parangal sa internasyonal sa larang ng pintura. Naging Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal siya noong 2009.
Isa siyá sa mga itinuturing na maestro ng abstraksiyon. Kung ang karamihan ng mga artist sa kaniyang panahon ay naging alagad ng modernismo at abstraksiyon dahil sa ito ang napapanahon, si Alcuaz ay nagsimula at nagpakahusay muna sa klasikong estilo bago tuluyang naging bihasa at nakilála sa abstraksiyon.
Una siyáng Filipino na nagwagi ng Prix Francisco Goya (1958). Sa España, natamo rin niyá ang prestihiyosong Premio Moncada (1957), nagkamit ng unang gantimpala sa Pintura Sant Pol del Mar (1961), at ikalawang gantimpala sa Premio Vancell sa Fourth Biennial ng Tarrasa, Barcelona (1964). Dito, gagamitin ni Alcuaz ang apelyido ng kaniyang ina upang makilála siyá sa iba pang Aguilar na kasáma niyá sa grupong La Puñalada at apelyido ng karamihan noon sa Barcelona. Sa gulang na 24, itinanghal si Alcuaz na pinakabatàng nagkaroon ng eksibit sa prestihiyosong Sala Direccion General, Museum of Contemporary Art sa Madrid. Sa France ay pinarangalan siyá ng Diploma of Honor sa International Exhibition of Art Libre (1961), Decoration of Arts, Letters and Awards na may ranggong Chevalier mula sa pamahalaang French (1964) at Order of French Genius (1964).
Bagaman mahabàng panahon naglagi siyá sa Europa, di niyá nalimot bumalik sa Filipinas. Nakamit niyá dito ang maraming karangalan, kabílang ang Republic Cultural Heritage award, 1965; Araw ng Maynila Award, 1966; at Presidential Medal of Merit, 2006. Isinilang siyá sa Santa Cruz, Maynila noong 6 Hunyo 1932 kina Mariano Aguilar, isang abogado at Encarnacion Alcuaz. Layon ng amang maging isang abogado siyá ngunit nanaig ang hilig sa sining. Ikinasal siyá kay Ute Gisela Schmitz, ang Alemang kumukuha ng kursong business at languages na nakilála niyá sa Barcelona. Nagkaroon sila ng tatlong anak—sina Christian Michael, Andreas Frederic, at Wolfgang Matthias. Pumanaw si Alcuaz noong 2 Pebrero 2011. (RVR)