Arturo Alcaraz

(22 Marso 1916–10 Marso 2001)
Filipino volcanologist; known as the “Father of Geothermal Energy Development”

Si Arturo Alcaraz (Ar·tú·ro Al·ka·ráz) ay isang bulkanólogó (volcanologist) na kinikilála bílang “Ama ng Pagsulong ng Enerhiyang Heotermal” ng Filipinas. Ang kaniyang mga pag-aaral sa mga bulkan ng kapuluan at ang enerhiya na maaaring makuha mula sa mga ito ang pumukaw sa pambansang interes hinggil sa geothermal energy. Malaki ang ginampanan niya sa pagtitirik ng mga plantang heotermal sa buong bansa, tulad sa Tiwi, Bundok Makiling, Bundok Banahaw, at Leyte. Masasabing inihanda ng kaniyang pagpupunyagi ang bansa laban sa mga krisis enerhiya (i.e., sa krudo) na tumama dito, at nagpasibol sa isang industriyang lumikha ng maraming trabaho.

Noong 1942, siyá ang naging Chief Geophysicist ng Philippine Weather Bureau. Noong 1951, hinirang siyáng Chief Volcanologist ng bagong-tatag na Commission on Volcanology. Noong 1955, ginawaran siyá ng Guggenheim Fellowship. Noong 1967, kabilang si Alcaraz sa mga nagpailaw ng bombilya gamit ang enerhiya mula sa isang bulkan malapit sa Tiwi. Ito ang unang nilikhang heotermal na enerhiya sa bansa. Noong 1968, ginawaran siyá ng Presidential Award of Merit. Noong 1982, hinirang siyáng Ramon Magsaysay Awardee for Government Service.

Isinilang siyá noong 21 Marso 1916 sa Maynila kina Conrado Alcaraz at Paz Pineda. Nag-aral siyá ng elementarya sa Lucena, Quezon, at hay-iskul sa Camarines Norte at Baguio. Sa Baguio, na nása kasagsagan noon ng pagmimina, napukaw ang kaniyang hilig sa pagmimina at heolohiya. Nagtapos siyá ng BS Mining Engineering sa Mapua Institute of Technology noong 1937, at MS Geology sa University of Wisconsin noong 1941. Pagkaraan ay nag-aral din siyá sa University of California at Berkeley at ginawaran ng Certificate in Volcanology. Nagkaroon siyá ng tatlong anak sa asawang si Lilia Salas. Pumanaw siyá noong 10 Marso 2001. (PKJ)

Cite this article as: Alcaraz, Arturo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/alcaraz-arturo/