Larry Alcala

(18 Agosto 1926–24 Hunyo 2002)
Editorial cartoonist and illustrator

Si Lauro Zarate Alcala (Láw·ro Zá·ra·té Al·ka·lá) o mas kilalá bílang si Larry Alcala ay isang nangungunang editorial cartoonist at ilustrador sa Filipinas. Tinatáyang nakagawa siyá ng mahigit 500 cartoon characters, 20 comic strips, 6 pelikula, 2 murals, at 15,000 na nailimbag na pahina mula sa kaniyang 56 taón ng pagiging propesyonal na kartunista.

Isinilang siyá sa Daraga, Albay noong 18 Agosto 1926 kina Ernesto Alcala at Elpidia Zarate. Nakapagtapos siyá ng kursong Bachelor of Fine Arts in Painting sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1950 sa ilalim ng scholarship mula sa pabliser na si Ramon Roces. Nagturo siya sa UP mula 1951 hanggang 1981. Nagsimula ang kaniyang karera bílang kartunista noong 1946 habang nag-aaral pa lámang. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nilikha niya ang kaniyang kauna-unahang comic strip na pinamagatang Siopawman na nailimbag sa komiks na Halakhak noong 1947. Sa naturang taón din niya nalikha ang Kalabog en Bosyo na gumamit ng Taglish bílang wika ng mga tauhan. Ito ang pinakamahabàng seryeng kartun na ginawa ng isang Filipino. Naisapelikula ito noong 1957 ng Sampaguita Pictures na ginampanan nina Dolphy at Panchito Alba.

Ang Slice of Life ang pinakasikat na seryeng kartun ni Alcala na sumasalamin sa mga katangi-tanging aspekto sa araw-araw na buhay sa Filipinas. Ang Mang Ambo naman, ayon mismo sa kaniya, ay larawan ng isang Filipinong nanatiling tradisyonal kahit na may nagaganap na urbanisasyon sa kaniyang paligid. Ilan pang likha niya ang Tipin (1951–1965); This Business of Living (1961–1972); Loverboy (1964–1969); Project 13 (1966–1972); Kongressman Kalog (1966–1972); Kalambogesyons (1966–1972); Asiong Aksaya (1976–1984); at Laugh and Live, Life Today (1981-2002).

Si Alcala ang nagpasimula ng paggamit ng animated cartoons sa mga television commercial gaya ng Caltex noong 1965 at Darigold Milk noong 1957. Dahil sa kaniyang kampanya sa pagpapaunlad ng ilustrasyon at commercial art sa Filipinas, naitatag ang Visual Communication Department sa UP College of Fine Arts noong dekada 50. Isinulong naman niya ang pagbuo ng grupo ng mga ilustrador ng mga pambatang libro at tinawag itong Ang Ilustrador ng Kabataan (INK) noong 1991. Dahil sa hindi matatawarang dedikasyon, nakatanggap siya ng maraming parangal mula sa iba’t ibang organisasyon gaya ng UP College of Fine Arts, UP Alumni Association, Philippine Board on Books for Young People (PBBY), Gawad CCP, at iba pa. (KLL)

Cite this article as: Alcala, Larry. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/alcala-larry/