Angel Chua Alcala

(1 Marso 1929–)

National Scientist of the Philippines

Isang biyologong Filipino si Angel Chua Alcala (Anghél Tsú·wa Ál·ka·lá) na pinarangalan bilang Pambansang Siyentista ng Filipinas noong 2014. Kinilála ang kaniyang pananaliksik sa ekolohiya at dibersidad ng mga nilalang na pandagat. Lumikha siya ng artipisyal na págang upang tulungan ang akwatikong ekosistema sa bansa. Ilan sa mga aklat niya ang Philippine Land Vertebrates: Field Biology (1976) at Marine Reserves in the Philippines: Historical Development, Effects and Influence on Marine Conservation Policy (2001).

Isinílang si Alcala noong 1 Marso 1929 sa isang pamilya ng mangingisda sa Cauayan, Negros Occidental. Nag-aral siya ng mataas na paaralan sa Kabankalan Academy, nagtapos ng biyolohiya sa Silliman University noong 1951, bago kumuha ng masterado at doktorado sa Stanford University. Binigyan naman siya ng doktoradong pandangal mula sa Xavier University at University of Southeastern Philippines.

Naging propesor sa Silliman University si Alcala at naging pangulo ng pamantasan sa loob ng dalawang taón. Nagsilbi rin siyang direktor tagapagpaganap ng Philippine Council for Aquatic and Marine Research and Development (PCARMD), bago naglingkod na kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (1992–1995) at tagapangulo ng Commission on Higher Education (1995–1999).

Noong 1992, nauna nang pinarangalan si Alcala ng Gawad Ramon Magsaysay para sa Serbisyo Publiko para sa pagtatatag ng unang santuwaryong marina sa Filipinas sa isla ng Sumilon.

Cite this article as: Alcala, Angel Chua. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/alcala-angel-chua/