alamíd

Philippine Fauna, Philippine Mammals, feral cat

 

Ang alamíd (Paradoxurus philippinensis) ay isang ilahas na pusa, maliit sa karaniwan, itim ang kulay, at nakatira sa kagubatan. Tumitimbang ito mula dalawa hanggang limang kilo. Ang katawan ay may habàng 53 sm at nababálot ng magaspang at gusot-gusot na balahibong batik-batik at kulay abo at itim. Ang buntot ay halos kasinghabà ng katawan nitó na 48 sm. Ang mukha naman ay nagtataglay ng tila putîng maskara.

Nakatira ang alamid sa magubat na pook. Maaari rin itong matagpuan sa mga hardin na may matataas na punò at sa mga lugar na maraming pananim. Matalas ang mga kuko nitó kayâ madalî itong nakakaakyat sa punongkahoy at mga alulod ng bahay. Ang pangunahing pagkain ng alamid ay mga hinog na prutas tulad ng berries. Kumakain din ito ng tsiko, mangga, rambutan, at kape pati maliliit na hayop at insekto.

Ang alamid ay mahilig mag-isa maliban na lámang kung naghahanap ito ng kapareha sa panahon ng pagpaparami ng lahi nitó. Mas gisíng ito sa gabi kaysa araw. Kapag may panganib, naglalabas ito ng mabahòng amoy mula sa puwit nitó bilang depensa sa sarili. Mahilig ding mag-iwan ng marka ang alamid sa pamamagitan ng pagdumi, pag-ihi, at paglalabas ng matapang na amoy nitó. Malaki ang naitutulong ng mga alamid sa pagpapanatili ng mga punongkahoy at halaman sa paligid dahil naikakalat ng mga ito ang buto ng mga prutas at halamang kinakain.

Karaniwang matatagpuan sa Timog at Timog-Silangang Asia, katutubo ito sa mga bansang India, Nepal, Bangladesh, Bhutan, Myanmar, Sri Lanka, Thailand, Singapore, Malaysia, Brunei Darussalam, Laos, Cambodia, Vietnam, China, Indonesia, at Filipinas. Dinala rin ito sa Japan. Sa Filipinas, tinatawag itong alamír, alimús, amíd, garóng, milô, mirô, pásla, púsang-gúbat, at singgalong. Sa Ingles naman ay Asian palm civet o toddy cat. (KLL)

 

 

 

 

 

Cite this article as: alamíd. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/alamid/

Related Articles