aklé
Philippine Flora, Trees in the Philippines, Filipino Building Materials, Philippine Crafts
Ang aklé (Albizzia acle Merr) ay matigas na punongkahoy na ginagamit sa pagtatayô ng bahay at paglikha ng muwebles. Mayroon itong katamtamang taas na 25–30 m at diyamet-ro na 70–120 sm. Nalalagas ang dahon nitó tuwing tag-init at malapit nang mamulaklak. Ang bole nitó ay silindriko, karaniwang maiksi at baluktot, at mayroong 40–60 sm na diyametro at taas na 10–18 m. Ang mga dahon nitó ay magkakatapat sa bawat tangkay at ang mga bulaklak ay putîng berde.
Ang punò nitó ay walang pansuhay ngunit may malalaking ugat. Ang tuktok ay nakabuka nang palapad. Ang balát ng kahoy ay kayumanggi, marupok, at putî kapag bagong tabas na nagiging manilaw-nilaw na pulá kapag nahanginan na. Mabagal ang paglaki ng akle. Karaniwang ang 25 taóng gulang na punò ang tumataas nang mga 16 m at lumalaki nang mga 23 sm ang diyametro.
Ang kahoy nitó ay ginagamit sa paggawa ng aparador dahil sa taglay nitóng kulay, magandang hilatsa, at tibay.
Bukod dito, ginagamit din ito sa pag-uukit, eskultura, paggawa ng mga instrumento, bahay, barko, at iba pang katulad na konstruksiyon.
Matatagpuan ang akle sa sa mga kagubatang mababà at mahalumigmig ng Albay, Bataan, Bulacan, Camarines Norte, Camarines Sur, Capiz, Palawan, Cebu, Davao, Ilocos Norte, Masbate, Mindoro Occidental, Negros Oriental, Nueva Ecija, Surigao, Tarlac, at Zambales. (KLL)