akapúlko

Philippine Flora, Trees in the Philippines, medicinal plants, Acapulco, traditional medicine

Ang akapúlko (Cassia alata Linn.) ay isang tuwid na punò na may magaspang na balát at mga sanga na may palumpong na mga dahong kulay berde. Ang dahon ng akapulko ay may kulay kahel sa gitna nitó at may mga 16–28 maliliit na dahon. Nagkakaroon ito ng axis na tinutubuan ng mga bulaklak na kulay dilaw, may apat na sisidlan ng mga buto, at naglalaman ng mga 50 hanggang 60 lapad at hugis triyanggulong mga buto. Ang bulaklak naman ng akapulko ay napapalibutan ng kulay dilaw hanggang kulay kahel na pinaliit na dahong sumusuporta sa bulaklak nitó at kusang nalalagas pagdatíng ng tamang oras.

Sa Filipinas, ang akapúlko ay ginagamit na halamang-gamot. Ang dahon nitó ay maaaring gamitin sa mga sakít sa balát at pampurga. Ginagamit din itong halamang-gamot para sa mga may hika at brongkitis. Ang akapulko ay ginagamit na sangkap para sa paggawa ng sabon, syampu, at losyon. Katunayan, ang Philippine Council for Health Research and Development ay tumulong sa pagsúlong ng teknolohiya para sa paggawa ng losyon na akapulko.

Madalîng paramihin ang punò ng akapulko sa pamamagitan ng pagtatanim ng buto o kayâ naman ay pagtatanim ng pinutol na parte ng katawan nitó. Dahil hindi ito maselang halaman, madalî itong buhayin.

Sa Filipinas, ang akapulko ay kilalá sa iba’t ibang pangalan na gaya ng antsarasi, andadisi, andalan, bayabasin, bikas-bikas, buni- buni, kapis, kapurko, kasitas, pakayomkom-kastila, at sunting. Mula ang pangalang “akapúlko” sa Acapulco, isang lungsod sa Mexico, at sentro ng Kalakalang Galeon noong panahon ng Español. (ACAL)

 

 

 

 

Cite this article as: akapúlko. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/akapulko/