Agyú
folklore, epics, Manobo
Si Agyú ang pangunahing bayani ng sinaunang epikong-bayan na Olaging at Ulahingan sa Mindanaw. Olaging ang tawag sa epikong-bayan ng mga Bukidnon at sinasabing ukol lámang ito sa búhay at pakikipagsapalaran ni Agyu.
Sa kabilâng dako, ayon kay Elena G. Maquiso (1977), ang Ulahingan ay isang sanga ng epikong-bayang Bendigan at na-kaukol sa búhay ni Agyu at kaniyang angkan. Ang Bendigan diumano ay epikong-bayan ng mga Manobo at may sanga ito na tinatawag na Tulalan-gan at hinggil naman sa bayaning si Tulalang.
Malimit na ang paksa ng Ulahingan ay ang paglalakbay ni Agyu, angkan, at mga alagad upang hanapin ang Nalan-dangan o Nelendangan. Nagsisimula ito sa pagdatíng ng isang malupit na kaaway o mananakop kayâ kailangang tumakas ang komunidad ni Agyu. May episodyo tungkol kay Mungan, asawa ng kapatid ni Agyu na si Vanlak. Nag-kasakít ng ketong si Mungan at nagpasiyang magpaiwan. Ngunit pinagalíng siyá ng mga naawang diwata at tinu-ruan pa kung paanong makaliligtas ang komunidad ni Agyu. May episodyo din sa mga kapatid ni Agyu na gaya nina Tabagka at Lena, gayundin sa anak niyáng si Bay-vayan. Isang lumilipad na malaking bangka, ang “sarim-bar,” ang sinakyan nina Agyu upang makaligtas. Sa dulo, narating nilá ang pangakong lupain, ang Nalandangan, at doon naghari si Agyu sa habang-panahon kasáma ang mga “adtulusan” o pinagpalà.
Gayunman, may nakararating ding kaaway at ibang prob-lema sa Nalandangan. Sa isang Olaging na nakolekta ni Ludivina R. Opeña (1972), inilarawan ang isang malaki’t madugong labanan nang lusubin ng mga kaaway ang Na-landangan. Nagwagi ang mga taga-Nalandangan dahil sa kapangyarihan ni Agyu at sa husay niyá sa pakikidigma. Ang isang katangi-tangi sa Olaging na ito ay ang paglalar-awan sa tila-paraisong kalagayan ng Nalandangan at sa malaking bahay ni Agyu. (VSA)