Jose V. Aguilar

(23 Marso 1900–31 Enero 1980)
Filipino educator; first Filipino awardee of the Ramon Magsaysay Award for Government Service

Si Jose Vasquez Aguilar (Ho·sé Vás·kez A·gi·lár) ay isa sa mga unang Filipino na nakatanggap ng Ramon Magsaysay Award for Government Service noong 1959. Ang paggagawad ay pagkilála sa kanyang mga naging kontribusyon sa sistema ng edukasyon sa Filipinas. Pinangunahan niya ang pagsasaayos ng pampublikong edukasyon para umangkop sa pamumuhay ng mga nása kanayunan.

Ipinangananak si Aguilar noong 23 Marso 1900 sa baryo ng Caduhaan, Cadiz, Negros Occidental sa mag-asawang Martin Aguilar, Sr. at Sofia Vasquez. Nagtapos siyá ng edukasyong sekundarya sa Negros Occidental High School noong 1920 at ng batsilyer sa pilosopiya sa Unibersidad ng Denison sa Ohio noong  1925. Tinustusan niya ang sariling edukasyon sa pamamagitan ng pagkuha ng iba’t ibang trabaho.

Sa kanyang pagbabalik sa bansa noong 1925, agad siyáng ginawang guro ng Ingles sa Negros Occidental High School. Naging division superintendent siya ng Camarines Norte noong 1928 at ng mga probinsiya ng Antique, Samar, Capiz, at Iloilo sa mga sumunod na taon. Pagkatapos niyang magbigay ng serbisyo sa mga rural na lugar, kinuha siyáng tagapayo ng edukasyong elementarya sa UNESCO Consultative Education Mission sa Filipinas. Pagdatíng ng 1945, itinalaga siyang kinatawan ng bansa para sa pagsasaayos ng sistema ng pampublikong edukasyon sa China. Nadagdag dito ang mga hinawakan niyang posisyon sa akademya, lalo na sa Unibersidad ng Pilipinas.

Ipinakita ni Aguilar ang pagpapahalaga sa mga paaralang rural kahit sa kaniyang mga sinulat, gaya ng “Development of Community School Concepts in Other Countries” at “Community Schools of the Philippines.” Pinasimulan niya ang idea na gawing mas praktikal ang edukasyon depende sa ginagalawang lugar o pamayanan ng paaralan. Noong 1938, bumuo siyá ng isang programang pang-agrikultura sa isang maliit na paaralan sa Aklan, Capiz. Ginamit nina Aguilar ang wikang Hiligaynon na wika sa lugar ng mga mag-aaral. Ang mga ginawa niya sa sistema ng edukasyon sa Filipinas ay nagsilbing modelo ng iba pang proyekto. Namatay siya noong 31 Enero 1980. (CID)

Cite this article as: Aguilar, Jose V.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/aguilar-jose/