Marcela M. Agoncillo
(24 Hunyo 1860–30 Mayo 1946)
Seamstress of the Philippine Flag; known as the “Mother of the Philippine Flag”
Si Marcela Mariño de Agoncillo, o mas kilalá bílang Marcela Agoncillo (Mar·sé·la A·gon·síl·yo) ang pangunahing tagahabi ng una at opisyal na watawat ng Filipinas. Dahil dito, binansagan siyáng “Ina ng Watawat ng Filipinas.”
Sa gulang na 30, ikinasal siyá kay Felipe Agoncillo, ang abogadong kakatawan sa Filipinas sa Kasunduang Paris noong 1898. Nang nadestiyero si Felipe sa Hong Kong pagsiklab ng Himagsikang Filipino, sumáma sa kaniya si Marcela at kanilang mga anak. Hábang naroon, pinakiusapan ni Heneral Emilio Aguinaldo si Marcela na humabi ng watawat na sasagisag sa bansang Filipinas at ayon sa disenyo ni Aguinaldo. Gamit ang sedang binili niya sa Hong Kong, hinabi ni Marcela, ng anak na si Lorenzana, at kaibigang si Delfina Herbosa de Natividad (na pamangkin ni Jose Rizal sa kapatid niyang si Lucia) ang watawat sa loob ng limang araw. Noong Mayo 1898, inihatid ni Agoncillo ang watawat kay Aguinaldo, na siyá namang nagdalá nitó pabalik ng Maynila. Ito ang bandilang iwinagayway mula sa kaniyang bahay sa Kawit, Cavite sa pagpapahayag ng kasarinlan ng Filipinas noong 12 Hunyo 1898 sa saliw ng Pambansang Awit. Hindi nga lamang ito nasaksihan ni Agoncillo, na nanatili sa Hong Kong kasáma ang kabiyak.
Isinilang siyá noong 24 Hunyo 1860 sa Taal, Batangas kina Francisco Mariño at Eugenia Coronel. Nag-aral siyá sa Colegio de Sta. Catalina, isang ekslusibong paaralan para sa mga babae, sa Intramuros, Maynila. Nagkaroon siyá ng anim na anak, pawang mga babae, kay Felipe Agoncillo. Pumanaw siyá noong 30 Mayo 1946 at inilagak kasáma ang mga labi ng kaniyang asawa sa Sementeryong La Loma sa Maynila. Sang-ayon sa kaniyang hulíng hiling, ginawang museo ang kanilang bahay sa Taal, na ngayon ay nakapangalan sa kaniya. (PKJ)