Felipe Agoncillo
(26 Mayo 1859–29 Setyembre 1941)
Philippines’ first Filipino diplomat
Si Felipe Agoncillo (Fe·lí·pe A·gon·síl·yo) ang abogadong kumatawan sa Filipinas sa talakayan sa Paris, France na nagwakas sa Kasunduang Paris noong 1898 at tumapos sa Digmaang España-America. Inatasan siyá ng Republikang Malolos noon na itaguyod ang pagkilála ng ibang bansa sa kasarinlan ng Filipinas. Dahil dito, itinuturing siyá ng marami bilang unang natatanging diplomat ng bansa.
Isinilang siyá noong 26 Mayo 1859 sa Taal, Batangas kina Ramon Agoncillo at Gregoria Encarnacion. Nag-aral siyá sa Ateneo Municipal de Manila bago lumipat sa Unibersidad ng Santo Tomas, na pinagtapusan niya ng abogasya at ginawaran ng lisensiya sa hurisprudensiya nang may pinakamataas na grado. Bumalik siyá sa Taal, Batangas at naghandog ng libreng serbisyong legal sa mga dukha at aping kababayan. Dahil sa kaniyang mga makabayang gawain, inakusahan siyáng filibustero ng kura paroko. Napilitan siyáng lumisan patungong bansang Japan bago tumuloy sa Hong Kong at nakiisa sa iba pang mga makabayang Filipino.
Pagkatapos malagdaan ang Kasunduang Biak-na-Bato, pinangunahan ni Agoncillo ang komite sentral ng rebolusyon at nangasiwa sa tanggapan ng propaganda ng pamahalaan ni Heneral Emilio Aguinaldo. Nang atasan siyáng maging embahador, lumisan siyá patungong Estados Unidos kasáma si Sixto Lopez upang ipaglaban ang kasarinlan ng mga Filipino. Ngunit hindi silá hinarap ng Pangulong William Mckinley. Sinikap niyang makapasok sa pagpupulong sa France para sa magiging tadhana ng Cuba at Filipinas. Hindi siyá binigyan ng kaukulang pansin ng mga Europeo. Dalawang araw pagkatapos ang paglagda sa Kasunduang Paris, bumalik si Agoncillo sa America upang harangin ang pagpapása ng tratado ng Americanong Senado. Naghain siyá ng pormal na protesta na pinamagatang Memorial to the Senate.
Sa panahon ng pananakop ng mga Americano, ipinagpatuloy niya ang pagiging abogado sa Maynila. Kinuha niya ang bar exam noong 1905 at pumasá sa markang 100 porsiyento, na hindi pa napapantayan hanggang sa kasalukuyan. Noong 1907, inihalal siyá bílang kinatawan ng Batangas sa Asamblea ng Filipinas. Naglingkod siyá bílang Kalihim Panloob (Secretary of the Interior) sa pamahalaan ni Gobernador-Heneral Leonard Wood, at ipinaglaban niya ang Filipinasyon ng serbisyo sibil. Nagkaroon siyá ng anim na anak sa asawang si Marcela Mariño. Pumanaw siyá noong 29 Setyembre 1941 sa Manila Doctors Hospital, Lungsod Maynila. (PKJ)