Gregorio Aglipay

(5 Mayo 1860–1 Setyembre 1940)
Religious leader and founder of the Philippine Independent Church or Aglipayan Church

Si Gregorio L. Aglipay (Gre·gór·yo El Ag·lí·pay) ay isang makabayang lider ng mga paring Filipino at unang Obispo Maximo ng Iglesia Filipina Independiente, ang simbahang kilalá ngayon sa tawag na “Simbahang Aglipay.”

Ipinanganak si Aglipay noong 5 Mayo 1860 sa Batac, Ilocos Norte. Sa muràng edad ay naulila siyá at lumaki sa mga sakahan ng tabako. Sa edad katorse, nakulong siyá dahil hindi nakamit ang takdang dami ng aning tabako. Nag-aral siyá ng pagpapari sa seminaryo ng mga Agustino sa Vigan at ng mga Dominiko sa Colegio de San Juan de Letran sa Maynila. Nang sumiklab ang rebolusyon laban sa mga Español, isa na siyáng kura paroko at hindi ito nakasagabal para kumilos siyá at tumulong sa mga Katipunero.

Noong 1898, hinirang siyá ni Hen. Emilio Aguinaldo na Vicario General Castrense ng rebolusyonaryong pamahalaan. Ibig sabihin, siyá ang pinunòng espiritwal ng mga Filipino at doon nagsimula ang tinatawag ngayong rebolusyong panrelihiyon sa bansa. Nang panahong iyon, nakita niyá na walang karapatan ang mga paring Filipino, hawak ng mga fraile ang malalaking lupain, at walang hinihirang na obispong Filipino ang Papa. Dahil dito, siyá at ang iba pang paring Filipino ay humiwalay sa Simbahang Katoliko. Itinatag nilá noong 26 Oktubre 1902 ang Iglesia Filipina Independiente. Noong Enero 1903, hinirang siyá bílang Obispo Maximo ng bagong simbahan ng mga obispo ng Maynila, Cavite, Nueva Ecija, Isabela, Cagayan, Pangasinan, at Abra.

Tatlumpu’t walong taon niyáng pinamunuan ang simbahang ito. Noong 1939 ikinasal siyá kay D. Pilar Jamias y Ver. Kumandidato siyáng presidente sa eleksiyon ng Komonwelt (kasama si Norberto Nabong ng Partido Komunista bilang bise-presidente) pero natálo kina Manuel L. Quezon at Sergio Osmeña. Namatay siyá noong 1 Setyembre 1940. Hanggang ngayon, ang simbahang itinatag niyá ay nananatiling simbolo ng pagnanais ng mga Filipino na maging malaya mula sa mga dayuhan. (PKJ)

Cite this article as: Aglipay, Gregorio. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/aglipay-gregorio/

Related Articles