agináldo
traditions, customs, Christmas in the Philippines, Spanish Influence, songs
Tumutukoy ang agináldo sa regalo kung Pasko, at nag-mula sa salitang Espanyol na aguinaldo. Iba ito sa kara-niwang regalo o handog dahil ibinibigay lámang kung Pasko. Maaari itong nása anyo ng bagay na materyal o perang karaniwang natatanggap mula sa mga ninong o ninang, gayundin mula sa mga magulang o kamag-anak. May kuwento na hinango ito sa naganap na biblikong pag-aalay ng Tatlong Haring Mago sa bagong sílang na si Jesus. Hinanap ng Talong Hari ang sanggol na Mesiyas upang mabigyan ng kanilang handog.
Sa naging tradisyon ng aginaldo, karaniwang nagbaba-hay-bahay ang mga batà upang humingi ng aginaldo sa kanilang mga ninong at ninang at mga matandang ka-mag-anak kapag araw ng Pasko. Nagsisimula ang pagbatì sa pamamagitan pagmamano o paghalik sa kamay ng na-katatanda at inaasahang magbibigay ng aginaldo. Maaari din namang idaan sa tinatawag na “károlíng” ang paghingi ng aginaldo. Nagbubuo ng pangkat ng manganganta ang mga batà at tumatapat sa bahay-bahay upang awitan ang may-ari ng bahay kapalit ng aginaldo. Isa sa mga popular na awiting pamasko na kinakanta kapag nangangaroling ang “Sa May Bahay ang Aming Bati” na may ganitong pangwakas na saknong:
Ang sanhi po ng pagparito,
Hihingi po ng aginaldo.
Kung sakaling kami’y perhuwisyo,
Pasensiya na kayo’t kami’y namamasko.
Sinasabi ring maaaring nagmula ang kaugalian ng pag-bibigay ng aginaldo noong panahon ng kolonyalismong Español kung kailan tumatanggap ng dagdag na bayad ang mga manggagawa sa mayayamang pinagtatrabahuhan nilá kapag panahon ng Pasko. Sa ngayon, ang aginaldo ay ginaganap sa pamamagitan ng pagpapalítan ng regalo sa isang angkop na pagtitipon o pagdiriwang sa isang upisina kapag malapit na ang Pasko. Sa kaso ng pamilya, ginaga-nap ang pagpapalitan ng aginaldo pagkatapos ng Noche-buena o sa umaga mismo ng araw ng Pasko. (ECS)