agímat

ancient customs, religious syncretism, Quiapo, folklore, beliefs, spirituality

 

 

Agímat ang tawag sa anumang bagay na pinaniniwalaang nagtataglay ng kapangyarihang magbigay ng pambihirang lakas at iba pang kakayahang higit sa taglay ng karaniwang tao. Sinasabing nakaugat ang agimat sa relihiyon ng mga sinaunang Filipino na  naniniwalang ang lahat ng bagay na likás ay may

 

kaluluwa kung kayâ’t maging hanggang sa kasalukuyan, ang maliliit na bato o piraso ng kahoy, lalo na iyong mga nakuha sa sagradong lugar o kakaibang paligid, ay itinuturing na makapangyarihan. Dulot na rin ng impluwensiya ng Kristiyanismo sa bansa, maging ang mga kuwintas na krus at eskapularyo ay itinuturing na agimat. Sa katunayan, maraming nabibiling agimat mag-ing sa tabi ng simbahan sa Quiapo.

 

Tinatawag din itong “antíng-antíng,” o kayâ ay “alipug-póg” sa Iloko, “dagón” sa Sebwano, “galíng” sa Tagalog, Iloko, Kapampangan, at Pangasinan, samantalang ang mga terminong “amuléto” at “birtúd” ay mula sa Español. Bahagi rin ang agimat ng maraming epikong Filpino at kuwentong bayan. Sa katunayan, nagiging bahagi rin ito ng kasaysayan ng Filipinas. Hindi maihihiwalay, halim-bawa, ang pagkabantog ni Macario Sakay sa damit niyáng kinasusulatan ng Latin at may mga dibuhong relihiyoso na sinasabing nagsanggalang sa kaniya laban sa mga bála ng kaaway na Español at Americano. (GAC)

 

 

Cite this article as: agímat. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/agimat/