Macario G. Adriatico

(10 Marso 1869-14 Abril 1919)
Scholar, journalist, and politician; known as the “Father of Manila’s City Charter

Si Macario Gonzales Adriatico (Ma·kár·yo Gon·zá·les Ad·ri·yá·ti·ko) ay isang iskolar, peryodista, manunulat, at politiko na kinikilála bílang “Ama ng City Charter ng Maynila.”

Lumahok si Adriatico noong Himagsikang Filipino, at pagkaraan ay naging Comandante de Estado Mayor ng hukbong Filipino sa Panay noong Digmaang Filipino-Americano. Naging abogado si Adriatico pagkatapos pumasá sa bar exam noong 1902. Noong panahong iyon, hindi pinahihintulutang magtatag ng mga pahayagan o samahang pampanitikan ang mga Filipino, ngunit binuo pa rin niya ang isang lihim na samahan ng mahigit-kumulang 50 kasapi, ang Akademya ng Wika at Panitikang Español. Bílang manunulat, naging patnugot siyá ng Diario de Filipinos ng Partido Conservador at nagkapag-ambag sa mga pahayagang La Moda Filipina, La Independencia, El Renacimiento, La Cultura Filipina, El Ideal, at Domus Aurea. Bílang pagkilála sa kaniyang panulat at pagkabihasa sa wikang Español ay naging miyembro siya ng Real Academia ng Madrid.

Bílang mambabatas, naging kinatawan siyá ng Mindoro sa Asemblea ng Filipinas noong 1907. Siyá ang may-akda ng unang charter ng Maynila, at isa sa naghain ng panukalang gawing dalawang distrito ang lungsod. Hinirang siyá ng pamahalaan bílang unang Filipinong direktor ng Pambansang Aklatan at Museo (ngayon ay hinati na bilang Pambansang Aklatan, Pambansang Museo, at Pambansang Sinupan), isang posisyong hinawakan niya noong 1917–1919.

Isinilang siyá noong 10 Marso 1869 sa Calapan, Mindoro kina Luciano Adriatico, isang empleado ng pamahalaan, at Natalia Gonzales. Nag-aral siyá sa pribadong eskuwelahan ni Hipolito Magsalin sa Maynila bago pumasok sa Instituto Burgos ni Enrique Mendiola. Noong 1889, nagtapos siyá ng Batsilyer sa Arte sa Colegio de San Juan de Letran nang may pinakamataas na karangalan. Sa Unibersidad ng Santo Tomas, kumuha muna siyá ng medisina bago lumipat sa abogasya, pilosopiya, at letra. Nagkaroon siyá ng sampung anak, walong babae at dalawang lalaki, sa asawang si Paula Lazaro ng Bocaue, Bulacan. Pumanaw siyá noong 14 Abril 1919. Bílang pagkilála, ipinangalan sa kaniya ng Lungsod Maynila ang Kalye Dakota sa Ermita. (PKJ)

Cite this article as: Adriatico, Macario. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/adriatico-macario/