adélpa

Philippine Flora, Flowers in the Philippines, flowers

 

 

Ang adélpa (Nerium oleander) o oleander ay palumpong na tumataas nang 1–3 m, balahibuhin ang hugis sibat na dahon, at may dilaw, putî, o puláng bulaklak. Isa ito sa mga nakalalasong halamang ornamental. Matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng mundo at hindi pa natutukoy ang tiyak na pinagmulan, dinala ito ng mga Español sa Filipinas at ngayon ay itinatanim na sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa  kaniyang  Mga  Pagsusuri sa mga Halaman (ca 300 BCE), inilarawan ni Theophrastus ang isang palumpong na nakaaapekto sa isipan at tinawag itong onotheras. Sinasabing ang ang alak  na may halò ng ugat nitó ay na kapagpapahinahon at nakapagpapasayá Ang adelpa ay itinuturing na opisyal na bulaklak ng Hiroshima dahil ito ang unang namulaklak matapos ang pagsabog ng bomba atomika noong 1945 sa naturang siyudad.

Itinuturing na nakalalason ang adelpa dahil nagtataglay ito ng cardiac glycosides na nagiging lason kapag naparami ang konsumo ng mga mammal tulad ng aso at tao. Bagaman mayroon itong nakalalasong katangian, wala namang naiuulat na pagkalason o pagkamatay mula sa pagdikit sa mismong halaman hanggang sa paggamit ng mga pamahid sa balát mula dito.

Pinaniniwalaang nakapagpapagalíng ito ng hika, buni, ketong, herpes, eksema, almoranas, kagat ng ahas, malarya, at sakít sa puso at puson. Sa ilang pagkakataón, ginagamit din ito sa pagpapatiwakal at pagpapalaglag. (KLL)

 

 

 

Cite this article as: adélpa. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/adelpa/