adárna
Ibong Adarna, Adarna Bird, Folk stories, epics, literature, mythical creatures
Ayon sa mga paniniwala ng mga Tagalog, isang maalamat na ibon ang adárna. Batay sa mga deskripsiyon, ang tuka nitó ay hindi gaanong matulis, may makulay na balahibo at mahahabà ang balahibo sa buntot. May kakayahan ang adarna na makapagpagalíng ng anumang sakit kapag ito’y humuni at umawit na. Dahil dito, pílit na hinuhúli ng mga tao ang mitolohikong ibon.
Sa koridong Ibong Adarna, naging mahalaga ang ibon sa pagpapagaliíg sa hari ng Berbania, si Haring Fernando. Ngunit, hindi naging madalî ang paghúli sa ibon. Sa ta-mis ng huni at pag-awit ng ibon, nakakatulog ang sinumang nakarinig nitó at kapag nataehan ng ibon ay nagiging bato. At iyon nga ang nangyari sa dalawang anak ni Haring Fernando, sina Prinsipe Pedro at Prinsipe Diego, na naging bato matapos makatulog nang marinig ang pagkanta ng ibon at mataehan nitó. Ngunit, ang bunsong anak ni Fernando na si Prinsipe Juan ay naging matagumpay matapos mapayuhan ng matandang pulubi sa dapat gawin upang hindi makatulog at maging bato at kung paanong makababalik ang dalawang kapatid niyá mula sa pagiging bato. Binigyan siyá ng labaha at ka-lamansi. Sa bawat awit, hinihiwa niyá ang bisig at pinapa-takan ng kalamansi. Dahil sa kirot, hindi siyá nakatu-log hanggang matapos ang pitóng awit ng adarna.Nang mahúli na ni Juan ang ibon at bumalik mula sa pagiging bato ang dalawa niyáng kapatid, umuwi na ang tatlong prinsipe sa kaharian. Mahabà pa ang mga sumunod na pangyayari sa korido.
Ginagamit na ang adarna bilang pangngalang pantangi ng iba’t ibang institusyon sa bansa. Una, ang Adarna Pub-lishing House, ang kauna-unahang lathalaan ng mga aklat pambata sa Filipinas. Ang UP Cine Adarna (dating UP Film Center) na teatro para sa mga pelikula sa Unibersi-dad ng Pilipinas. Ipinangalan din sa ibon ang proyektong ADARNA o Aerial Dynamic Assessment Robot for Na-tional Advancement ng Pamantasang De La Salle. (SJ)