Abunnáwas

folklore, folk stories

 

 

Si Abunnáwas ang popular na pilyong tauhan sa mga “katakata,” kuwentong-bayan ng mga Tausug at Samal. Hindi tulad ng ibang uri ng panitikang oral ng mga Tausug at Samal, isi-nasalaysay lámang ang mga katakata at hindi inaawit. Isinasalaysay rin ang mga ito bílang pampalipas-oras.

 

Sa  lahat  ng  mga  kuwento ni  Abunnawas,  lagi  niyáng naiisahan ang sultan sa mga pagsubok at   pagtatangkang gawing katatawanan si Abunnawas.  Isang  kuwento  ni Abunnawas ay pinamagatang Lumakad si Abunnawas sa Iba baw ng Kawayan. Sa nasabing kuwento,  nang  napadaan  si Abunnawas sa kaharian ng sultan, kaniyang ibinida na nakapaglakad siyá sa ibabaw ng kawayan. Hindi naniwala ang sultan kayâ hinamon niyá si Abunnawas na maglakad sa ibabaw ng kawayan mula sa bahay nitó hanggang sa kaharian. Kapag nagawa ito ni Abunnawas, bibigyan siyá ng salapi ng sultan ngunit kapag hindi niyá natugunan ang hamon ng sultan ay ka-matayan ang parusa. Kaagad na umuwi si Abunnawas at naghanda ng tayakád, mga piraso ng kawayan na iti-nali nang mahigpit sa isa’t isa at may nakausling bahagi ng kawayan upang may mahawakan ang pilyong tauhan. Sunod, nagtungo siyá sa kaharian at nang matapat na sa bintana na tanaw ng sultan, kaniya itong tinawag upang tingnan siyá. Nagulat ang sultan at hinangaan na lámang ang katalinuhan ni Abunnawas.

 

Kawangis ng pag-uugali ni Abunnawas ang iba pang pop-ular na tauhan sa iba’t ibang kuwentong-bayan, gaya ni Juan Púsong ng mga Bisaya at Juan Usong ng mga Bikol. Ngunit, ayon sa mga iskolar ng panitikan ng Tausug, ta-lagang taliwas sa kaugalian ng pangkat etniko na maging masunurin si Abunnawas. (SJ)

 

 

Cite this article as: Abunnáwas. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/abunnawas/

Related Articles