Manuel Abella

(1828– 4 Enero 1897)

Isa sa mga “Martir ng Bikol” at binitay noong 4 Enero 1897, si Manuel Abella (Man·wél A·bél·ya) ay isang eskribano (klerk sa hukuman) at mariwasang magsasaka at hinahangan sa kaniyang katapatan sa tungkulin at kaisipang liberal. Isinilang siyá sa isang mariwasang pamilya noong 1828 sa Cayanauan, Tayabas (Quezon ngayon) at nag-aral ng pagpapari sa Naga. Umalis siyá sa seminaryo at noong 1875 ay isa nang eskribano sa Naga. Bukod doon, nagsaka siyá ng palay at abaka at naging isa sa pinakamayaman sa Bikol.

Ngunit kinainggitan siyá, lalo na ng mga Español, na natatákot din sa impluwensiya ng kaniyang mga edukadong anak. Nang sumiklab ang Himagsikang 1896, dinakip siyá at mga anak na Ramon na isa ring malaking may-ari ng lupain; Domingo na isang surveyor at totoong kasapi sa Katipunan; at Mariano na isang abogado, kaibigan ng mga Luna, at hukom sa Naga. Dinakip din noong 16 Setyembre ang pari ng Naga na si Padre Inocencio Herrera, Padre Gabriel Prieto ng Malinao, Albay, potograpong si Camilo Jacob, parmasyutikong si Tomas Prieto, hepe ng mga guwardiyang panggabi na si Macario Valentin, Cornelio Mercado, Mariano Melgarejo, at Mariano Ordenanza. Si Tomas Prieto diumano ang may sinumpaang pahayag sa gobernador hinggil sa pagpupuslit ng armas mulang Cavite at ipinamahagi sa mga dinakip.

Noong 20 Setyembre, dinalá ang mga bilanggo sa Bilibid, Maynila at nilitis. Kahit hindi napatunayang sangkot silá sa Katipunan, hinatulan silá ng bitay sa pamamagitan ng pagbaril. Noong 4 Enero 1897, binitay sina Manuel at Domingo Abella, Padre Herrera, Padre Prieto, Padre Severino Diaz, Camilo Jacob, Tomas Prieto, Florencio Lerma, Macario Valentin, Cornelio Marcado, at Mariano Melgarejo. Nahatulang mabilanggo ang iba. Si Leon Hernandez ay namatay si piitan sa Naga noong Oktubre 1897. Si Mariano Ordenanza ay namatay si Bilibid. Sina Ramon Abella at Mariano Araña ay ipinatápon sa bilangguang Fernando Po sa Africa at dahil sa dinanas na sobrang pahirap ay nangamatay sa sakit noong 1897 o 1898.

Pinakamasuwerte si Mariano Abella, na isang abogado, at hindi binitay, naging delegado sa Kongresong Malolos, naging gobernador ng Camarines Norte noong Disyembre 1898 hanggang Pebrero 1900, isa sa nagtatag ng Partido Federal, at dalawang ulit pang nahalal na gobernador sa ilalim ng mga Americano. (GSV)

Cite this article as: Abella, Manuel. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/abella-manuel/