Nicanor Abelardo
(7 Pebrero 1893–21 Marso 1934)
National Artist for Music
Kinikilála si Nicanor Abelardo (Ni- kanór Abelárdo) bílang isa sa “Tatlong Haligi ng Musikang Filipino.” Kasama sa tatlo sina Francisco Santiago, unang Filipinong Direktor ng UP Konserbatoryo ng Musika, at Antonio Molina na ginawaran ng Gawad sa Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1973.
Si Abelardo ang unang Filipinong kompositor na lumikha ng Concerto in B Flat Minor para sa piyano at orkestra noong 1923, na gumamit ng mga temang batay sa awiting-bayan. Higit na kilalá si Abelardo sa kaniyang mga likhang awit na kadalasan ay siyá rin ang sumulat ng titik. Kabílang sa mga awit sa estilong kundiman na kaniyang nilikha ang Nasaan ka Irog? (titik: Nemesio Asistio), Kung Hindi Man, Magbalik Ka Hirang (titik: Filomena Alcanar), Himutok, Paghanga, Sa Libingan ng Irog (titik: Pedro Icasiano), at Kundiman ng Luha (titik: Jose Corazon de Jesus). Ang kundiman ayon kay Abelardo, ay “isang awit na nag- tatampok sa isang lalaking nagmamahal na nagdedeklara ng pagkakait sa sarili upang sundin ang nasà ng babaeng minamahal.” Ang halimbawa naman ng mga awit na may makabayang titik na nilikha niyá ay Ang Aking Bayan at Ultimo Adios (titik: Jose Rizal).
Lumikha rin siyá ng musika para sa mga sarsuwelang Tagalog. Kabílang dito ang Sumilang ni Basilio Lanuza at Dakilang Punglo ni Servando de los Angeles. Ang kilaláng awit na Bituing Marikit ay nilikha ni Abelardo para sa sarsuwelang Dakilang Punglo. Tinagurian din siyáng “Ama ng Filipinong Sonata” para sa kaniyang mga obrang Sonata in G Major (1921), Sonata for violin and piano (1931), at Sonata for String Quartette (1932).
Isinilang siyá sa San Miguel de Mayumo, Bulacan noong 7 Pebrero 1893. Ang bulto ng komposisyon niyá ay nása anyo ng awit. Marahil, dahil kabataan pa siyá’y mangaawit na at piyanista. Noong 1931-1932, nag-aral siyá bílang pensionado sa Chicago Musical College at dito’y lumikha siyá ng mga komposisyong pang-instrumento. Nagtangka rin siyáng lumikha ng Symphony na hindi natapos dahil sa kaniyang maagang pagkamatay noong 21 Marso 1934. (RCN)