Bonifacio Abdon
(14 Mayo 1876–23 Abril 1944)
Filipino musician, conductor and composer; known as the “Father of the Modern Kundiman”
Si Bonifacio Abdon (Bo·ni·fás·yo Ab·dón) ay isang mahusay na biyolinista, konduktor, kompositor, at guro ng musika at kinikilála bilang “Ama ng Makabagong Kundiman.” Ang kaniyang komposisyon na “Kundiman” ang unang kundiman na nakalimbag sa papel. Binigyan niya ng pormal na estruktura ang kundiman bílang isang anyo ng komposisyong itinatanghal at higit sa kalagayan nitó noon bílang popular na awiting-bayan.
Karamihan sa mga komposisyon ni Abdon ay ginamit sa mga sarsuwela sa wikang Tagalog. Lumikha siyá ng musika para sa kaniyang bayaw na si Patricio Mariano, na sumusulat ng mga dula para sa mga teatro sa Maynila noong unang bahagi ng dekada 1900. Nagdirihe rin siyá ng orkestra. Sinulat niya ang musika para sa mga dula ni Aurelio Tolentino na La Rosa (1908), La Boda Maldita (1908), Manila Cinematografica (1908), at Crimen sobre Crimen (1909). Itinatag niya ang Orchestra Oriental noong 1910 at naging unang direktor ng musika ng Asociacion Musical de Filipinas noong 1912. Nagturo siyá ng biyolin sa kaniyang bahay sa Quiapo, Maynila na magiging Escuela de Violin kinalaunan. Hinirang siyá bilang guro ng biyolin sa Konserbatoryo ng Musika ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1920. Noong sumunod na taón, isa siyá sa mga naging kasaping tagapagtatag ng Manila Chamber of Music.
Isinilang siyá noong 14 Mayo 1876 sa Santa Cruz, Maynila kina Gregorio, isang karpintero at panday ng ginto, at Juliana Abdon. Sa kaniyang kabataan, tumira si Abdon kasáma ang kaniyang lolo sa Pandacan, na tinatahanan ng ilan sa mga tanyag na musikero noon. Nag-aral siyá ng solfeggio sa isang bulág na guro na kilalá bilang Mandong Bulag. Pagkaraan, nag-aral siyá sa Ateneo Municipal de Manila at naging bahagi ng koro nitó. Sa edad trese, natuto siyáng tumugtog ng biyolin, at pagkaraan, komposisyon, kay Ladislao Bonus. Nagprisinta siyá bílang valet sa mga bumisitang pangkat ng opera mula Italia upang matuto mula sa mga maestro nitó. Nagkaroon siyá ng limang anak sa asawang si Felisa Mariano. Pumanaw siyá noong 23 Abril 1944 at inilibing sa Manila North Cemetery. (PKJ)