abakáda
alphabet, language, Filipino Language, Filipino, Pilipino, wika
Abakáda ang tawag sa pangkat ng mga titik o letra sa wi-kang Tagalog at kumakatawan ang tawag sa apat na unang titik nitó (A-Ba-Ka-Da). Ang abakáda ay binubuo ng 20 titik: A,B, K, D, E, G, H, I , L, M, N, Ng, O, P, R, S , T, U, W, Y. Lima rito ang patinig (A, E, I, O , U) at labinlima ang katinig. Ang mga titik na ito ang ginamit sa pagtuturo ng Wikang Pambansa bilang pagsunod sa atas ng 1935 Konstitusyon. Ginamit ang abakada sa aklat ng balarilà ni Lope K. Santos at ilang henerasyon ng mga mag-aaral ang natuto ng Wikang Pambansa sa pamamagitan nitó.
Sinusundan ng abakada ang papantig na pagbigkas ng mga titik ng wikang Tagalog na kalapit na kalapit rin sa mga sagisag ng baybáyin, ang sinaunang paraan ng pag-sulat ng mga Tagalog. Mapapansin lámang na ang E-I at O-U ay kinakatawan ng isang tunog sa baybayin kayâ tatlo lamang ang patinig ng lumang alpabetong ito. Nag-dulot ito ng kalituhan noon at hanggang ngayon dahil hindi nabibigkas nang magkaiba ang E sa I at ang O sa U.
Sa pagbabago ng konsepto ng Wikang Pambansa tungo sa Pilipino at sakâ Filipino ay nadagdagan ang titik ng abakada. Pinalitan ito ng pinagyamang alpabeto na may 31 titik noong dekada 1970. Labing-isang titik ang idi-nagdag mula sa alpabetong Español. Kaugnay ng 1987
Konstitusyon at ng pagpapahayag sa Filipino bilang Wi-kang Pambansa, nirebisa at naging 28 ang titik ng alpabe-to ng wikang Filipino. Pinanatili ang 20 titik ng abakada kasáma ang mga titik na C, F, J, Ñ, Q, V, X, Z at tinawag alinsunod sa alpabetong Ingles maliban sa katutubong NG at Español na Ñ. Idinagdag ang naturang mga titik upang kumatawan sa mga tunog na wala sa orihinal na abakada ngunit nása Ingles at Español at sa ilan sa mga katutubong wika ng Filipinas. Halimbawa, ang F at V ay may tunog na nása pangalan na ng Ifugaw at Ivatan. (JGP)