abaká

Philippine Flora, abaca, Plats in the Philippines, Philippine Textile, Philippine Crafts, handicrafts

 

 

Ang abaká (Musa textilis) ay isang halamang hemp o na-pagkukunan ng himaymay. Berde ang mga dahon nitó na kawangis ng dahon ng saging.

Bagaman nakakatulad ang anyo ng saging, madaling makilala ang abaka sa pamamagitan ng ilang katangian nitó. Una, ang dulo ng dahon ng abaka ay mas patulis kompara sa saging. Pangalawa, ang ibabang bahagi ng dahon nitó ay hindi pantay. Pangatlo, ang magkabilâng bahagi ng dahon nitó ay parehong makintab at madulas.

Ang taas ng punòng abaka ay umaabot nang apat hang-gang walong metro. Katutubo sa Filipi-nas ang halamang ito at pinaniniwa-laang nagmula sa rehiyong Bicol. Gayunman, noon pang 1521 ay lumi-taw na ang “abaka” sa listahan ng mga salita na tinipon ni Antonio Pigafetta, ang tagapagsalaysay ng paglalakbay ni Magallanes, at inila-rawan niyang “damit na isinusuot” ng mga katutubo sa Cebu. Nangangahulugang malaganap sa kapuluan noon pa ang paghabi ng tela mulang abaka. May ulat ding gi-nagamit itong pansapin sa paa at katulad ng sandalyas na tinatawag na alpargatos ng mga Español.

Maraming kapakinabangang pang-ekonomiya ang abaka. Ang mga himaymay o hibla nitó ay hinahabi upang mag-ing tela na ginagamit sa paggawa ng damit o kortina. Ginagawa rin itong lubid, basket, at katulad. Ang hi-maymay ay makukuha hindi sa mga dahon nitó kundi sa pinakakatawan ng halaman na tinatawag ding sahà. Bantog ito sa buong mundo sa pangalang manila hemp. Ginagamit din ito sa paggawa ng kilaláng papel na kung tawagin ay papel de manila o manila paper.

Ang punòng abaka pati na ang puting himaymay na nagmumula rito ay tinatawag ding “ibilaw,” “la-bayo,” “lain,” at “paguwa.” (SAO)

 

Cite this article as: abaká. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/abaka/