Alejandro G. Abadilla

(10 Marso 1906–26 Agosto 1969)
Filipino poet; known as the “Father of Modern Tagalog Poetry”

Si Alejandro G. Abadilla (A·le·hán·dro A·ba·díl·ya) ang kinikilalang “Ama ng Modernistang Pagtula sa Tagalog.” Bukod sa pagiging makata, isa rin siyáng nobelista at kritikong pampanitikan.

Sa kaniyang mga akda, hinamon at sinalungat ni Abadilla ang dkahong paggamit ng tugma at sukat sa tula at ang labis na romantisismo sa panitikang Tagalog. Isa siyá sa mga tagapagtatag ng Kapisanang Panitikan, at editor-tagapaglathala ng magasin nitóng Panitikan upang isulong ang pagpapaunlad ng panitikang Tagalog. Itinuturing ang tula niyang ”Ako ang Daigdig” na hudyat ng pagsilang ng Modernistang pagtula sa Tagalog bukod sa lumikha ito ng malaking kontrobersiya sa nilalaman at sa anyong may malayang taludturan.

Ang kaniyang mga aklat ng tula ay Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula (1955), Piniling mga Tula ni AGA (1965), at Tanagabadilla (1964, 1965); ang kaniyang mga nobela ay Singganda ng Buhay (1947) at Pagkamulat ni Magdalena (1958). Siyá ang editor ng mga antolohiyang Parnasong Tagalog, ang unang pagtitipon sa isang aklat ng mga pangunahing tula ng mga makatang Tagalog mula 1800 hanggang 1940s, Mga Kuwentong Ginto (1936, kasama si Clodualdo del Mundo Sr.), Ang Maikling Kathang Tagalog (1954, kasama si Federico Sebastian at A. D. G. Mariano), at Maikling Katha ng 20 Pangunahing Awtor (1957, kasáma si Ponciano B. P.  Pineda).

Nagsimula siyáng makilála bilang kontrobersiyal na manunulat noong buksan niya ang isang kolum sa pamimilì ng mahuhusay na maikling kuwento at tula. Pinamagatan niya ang kolum na Talaang Bughaw at minarkahan sa pamamagitan ng isa hanggang tatlong asterisko ang ipinalalagay niyang husay ng isang nalathalang akda. Maraming nagalit na katandaan at popular na manunulat dahil malimit na mababà ang kanilang markang asterisk.

Isinilang siyá sa Salinas, Cavite noong 10 Marso 1906 sa isang simpleng pamilya. Nagtapos siyá sa Mababang Paaralan ng Baryo Sapa at sa Mataas na Paaralan ng Cavite. Nakamit niya ang titulong Batsilyer sa Sining ng Pilosopiya mula sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1931. Nagsilbi siyáng konsehal sa munisipyo ng Salinas hanggang 1934, at pagkaraan ay naglako ng seguro para sa Philippine-American Life Insurance. Nagkaroon siyá ng walong anak sa asawang si Cristina Zingalava. Pumanaw siyá noong 26 Agosto 1969. (PKJ)

Cite this article as: Abadilla, Alejandro. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/abadilla-alejandro/