Pédro Abád Sántos

(31 Enero 1876–15 Enero 1945)
Founder of the Philippine Socialist Party, First Vice President of the Communist Party of the Philippines

Si Pédro Abád Sántos ay isang doktor, abogado, at lider manggagawa. Itinatag niya ang Partido Sosyalista ng Pilipinas noong 1932 at ang Aguman Ding Maldang Talapagobra noong 1933.

Isinilang siyá noong 31 Enero 1876 sa San Fernando, Pampanga, panganay sa sampung anak nina Vicente Abad Santos at Toribia Basco. Kapatid siyá ni Jose Abad Santos na naging punòng mahistrado ng Korte Suprema ng Filipinas. Nagtapos siya ng sekundarya sa Colegio de San Juan de Letran at nag-aral ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas. Matapos ang ilang taón, nag-aral naman siyá ang abogasya. Naging medyor siya ng hukbong Filipino, sa ilalim ni Hen. Maximino Hizon, noong Digmaang Filipino-Americano. Nahúli siyá at nahatulan ng 25 taóng pagkabilanggo ngunit nakalaya sa tulong ng Americanong abogado na si John Haussermann.

Noong 1906, pumasá siyá sa bar examination at nagsimula ng kaniyang karera sa politika: naging justice of the peace ng kaniyang bayan mula 1907 hanggang 1909; konsehal ng kaniyang bayan mula Enero 1910 hanggang Marso 1912; kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa Philippine Assembly noong 1916-1922. Noong 1926, naging undersecretary ng Department of Justice ang kapatid niyang si Jose opisyal ng hábang natalo naman siyá sa pagkagobernador sa Pampanga. Mula noon ay hindi na siyá naglingkod bilang pamahalaan.

Sumáma siyá sa mga kaibigang sina Crisanto Evangelista, Antonio de Ora, at Cirilo Bognot para mag-aral sa Moscow, Russia. Noong ika-26 ng Oktubre 1932, itinatag niya ang Partido Sosyalista ng Pilipinas. Nang sumunod na taón ay itinatag naman niya ang Aguman Ding Maldang Talapagobra na naglayong humingi ng reporma sa lupa at proteksiyon laban sa abuso ng mga nagmamay-ari ng lupa. Noong 7 Nobyembre 1938 itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas at naihalal siyáng bise presidente hábang si Crisanto Evangelista ang naging pangulo at si Guillermo Capadocia ang naging pangunahing tagapangasiwa.

Noong 25 Enero 1942, hinúli siyá ng mga Japanese kasama ang ibang lider ng bansa. Ikinulong siya sa Fort Santiago hábang ang kaniyang kapatid na si Jose ay pinatay ng mga Japones. Pinakawalan siyá dahil sa sakit sa tiyan noong 1944. Sumáma naman siyá sa Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) na itinatag ni Luis Taruc. Noong 15 Enero 1945, ikinamatay niya ang kaniyang sakit sa tiyan sa isang base ng gerilya sa Minalin, Pampanga. (KLL)

Cite this article as: Abad Santos, Pedro. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/abad-santos-pedro/

Related Articles