Jose Abad Santos

Statesman, 5th Chief Justice of the Supreme Court, Acting President (WWII)

Si Jose Abad Santos (Ho·sé A·bád Sán·tos) ay isang kagawad ng gabinete, estadista, at ang ikalimang punòng mahistrado ng Korte Suprema. Nagsilbi rin siyáng Acting President ng bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at naging martir sa kamay ng mga Japanese.

Ipinanganak si Abad Santos noong 1886 sa San Fernando, Pampanga, at pampito sa sampung anak nina Vicente Abad Santos at Toribia Basco. Nag-aral siyá bilang pensiyonado sa Estados Unidos, nagtapos ng abogasya sa Santa Clara College at Northwestern University sa Illinois noong 1908 at master sa batas sa George Washington University nang sumunod na taon. Napangasawa niyá si Amanda Teopaco noong 1918 at lima ang naging anak nilá: Jose, Jr., Osmundo, Luz, Amanda, at Victoria.

Naging instrumental si Abad Santos sa pagsulat ng mga tuntunin at konstitusyon ng Philippine Women’s University, ang unang pribado at sektaryong pamantasan para sa kababaihan sa buong Asia. Siyá rin ang naging unang Filipinong abogadong pang-korporasyon ng Philippine National Bank. Naging tagapayong teknikal siyá ng misyong pangkasarinlan ng Filipinas sa Estados Unidos noong 1919, humawak ng iba pang mga tungkulin sa pamahalaan gaya ng abogado ng Manila Railroad Company noong 1920, punò ng misyong pang-edukasyon sa Esta- dos Unidos noong 1926, at kalihim ng katarungan noong 1931.

Noong 1942, isinasáma siyá ni Pangulong Manuel Quezon sa paglíkas ng pamahalaang Komonwelt sa Australia ngunit pinilì niyáng manatili sa Filipinas. Inatasan siyá ni Quezon na maging Acting President at mangasiwa sa mga bahagi ng bansa na hindi pa nasasakop ng mga Japanese.

Nahúli siyá ng mga Japanese sa Cebu, kasáma ang anak na si Jose Jr. o Pepito, noong 11Abril 1942. Hinatulan siyá ng kamatayan dahil ayaw makipagtulungan sa mga mananakop. Bago siyá barilin noong 2 Mayo 1942 sa Malabang, Lanao (Lanao del Sur ngayon), sinabi niyá kay Pepito: “Huwag kang umiyak. Ipakita mo sa mga táong ito na matapang ka. Isang karangalan ang mamatay para sa iyong bayan.”

Ilang pangunahing lansangan sa mga lungsod ng bansa ang ipinangalan sa kaniya; kabílang dito ang isang abenida sa Maynila na kinatitirikan ng Abad Santos LRT Station. (PKJ)

Cite this article as: Abad Santos, Jose. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/abad-santos-jose/