13 Martír ng Cavite
13 Martyrs of Cavite
Ang 13 Martír ng Cavíte (Trece Martires) ay binitay ng mga Español noong 12 Setyembre 1896 sa harap ng Plaza de Armas, malapit sa San Felipe, Lungsod Cavite. Napaghinalaan ang labintatlo na kabilang sa nagbalak ibagsak ang mga Español nang mag-alsa ang mga taga-Cavite sa pamumunò ni Heneral Emilio Aguinaldo noong31 Agosto 1896. Dinakip silá, ikinulong, madaliang nilitis, at hinatulan ng kamatayan.
Ipinalalagay na namatay dahil sa makabayang layunin, ang labintatlo ay sina Maximo Inocencio, Jose Lallana, Eugenio Cabezas, Maximo Gregorio, Hugo Perez, Severino Lapidario, Alfonso de Ocampo, Francisco Osorio, Antonio San Agustin, Luis Aguado, Agapito Conchu, Victoriano Luciano, at Feliciano Cabuco. Matapos barilin, sáma-sámang ibinaón ang mga bangkay sa sementeryo ng mga Katoliko sa Caridad, Cavite.
Pitó sa mga bangkay ang nailipat sa magkakahiwalay na nitso at ang iba ay nanatiling sáma-sáma sa iisang libingan. Isang monumento ang itinayô sa Lungsod Cavite bilang alaala sa kanila. Ipinangalan sa pangkat ang Lungsod Trece Martires, Cavite; ang labintatlong barangay ng bayan ay nakapangalan din sa mga martir. (PKJ)