Repórma sa Lupà

Ang Repórma sa Lupà ay tumutukoy sa legal na pagbili ng pamahalaan sa malalawak na lupaing sakahan upang ipamahagi sa mga magsasaka. Isinasagawa ito sa tulong ng mga batas sa repormang agraryo.

Nagsimula ang problema sa lupa noon pang panahon ng pananakop ng Español nang ipatupad ang sistemang engkomiyénda(encomienda) noong 1570. Inangkin ng iilang pamilya, at maging ng mga fraile, ang malalawak na lupaing sakahan. Ang problemang ito ay hindi nalutas hanggang sa panahon ng Republikang Malolos. Sa panahon ng Americano, ipinatupad ang Philippine Bill of 1902 na nagtatakda ng ilang kondisyon sa pamamahagi ng publikong lupa. May ilang batas din higgil sa pagpapaupa ng lupa gaya ng Land Registration Act ng 1902 (Act No. 496), na nagsasaad ng tamang rehistrasyon ng mga titulo sa ilaim ng Torrens System; at Rice Share Tenancy Act ng1993 (Act no. 4054) na nagsasaayos sa relasyon ng mayari ng lupa at mga kasamá sa taniman ng tubó.

Hindi natapos ang problema sa pagkakaroon ng batas. Sa panahong ito mahigit sa 400,000 magsasaka ang walang titulo dahil sa ginawa ng mga Español at dahil sa kanilang ignoransiya sa batas. Nagresulta ito ng mas malaking gulo sa lupa. Sinikap itong harapin ng mga naging pangulo ng Filipinas.

Sa panahon ni Pangulong Diosdado Macapagal, naipasa noong 8 Agosto 1963 ang Agricultural Land Reform Code (R.A. No. 3844). Layon nitóng mabigyan ng sarisariling lupa ang mga magsasaka ngunit hindi naipatupad. Sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos, sa panahon ng Batas Militar, nagkaroon ng Presidential Decree No. 27 o Tenant’s Emanicipation Act noong 21 Oktubre1972. Nagkaroon ng malawakang paglilipat ng mga lupa sa mga kasamá. Sa panahon ni Pangulong Corazon Aquino, nagkaroon ng Comprehensive Agrarian Reform(CARP). Layon ng CARP na maipamahagi ang higit sa apat na milyong ektarya ng lupa sa loob ng sampung taon. Pero hindi pa rin ito naipatupad ng Department of Agrarian Reform noong 1989. Sa mga sumunod na pangulo, sina Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, at Gloria Macapagal-Arroyo, walang malinaw na batas o utos tungkol sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka. (EGN)

Cite this article as: Reporma sa Lupa. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/reporma-sa-lupa/