Jose Rizal

(19 Hunyo 1861–30 Disyembre 1896)

Pambansang bayani at itinuturing na pinakadakilang Filipino si Jose Rizal (Ho·se Ri·zál). Sa buong buhay niyá, sinikap niyáng maging huwaran ng mga kababayan. Ginawa niyá ang pinakamagalíng na maaari niyáng gawin sa iba’t ibang larangan ng Filipinolohiya, sining, agham, at teknolohiya. Kakikitahan ng pinakamataas na antas ng kasiningan ang kaniyang mga tula, nobela, dula, sanaysay, pintura at eskultura. Isang doktor, dinayo ng mga pasyente mula sa iba’t ibang bansa ang kaniyang mga klinika sa Hong Kong at sa Dapitan, Zamboanga del Norte. Ipinamalas niyá sa Dapitan ang pagiging arkitekto, inhenyero, magsasaka, at imbentor. Mahusay siyáng atleta lalo na sa eskrima. Nag-aral siyáng magsalitâ at magsulat sa iba’t ibang wika.

Isinilang si Jose Rizal noong 19 Hunyo 1861 sa Calamba, Laguna. Pampitó siyá sa 11 anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonso. Dahil pinaghihinalaang filibustero ang Mercado, ginamit niyá ang apelyidong Rizal nang mag-aral siyá sa Maynila. Batà pa’y kinakitahan na siyá ng katalinuhan. Sa Ateneo Municipal sa Maynila, tumanggap siyá ng mga medalya ng karangalan sa pag-aaral at pagsusulat. Pinakamataas na marka ang natanggap niyá nang magtapos noong 1876 ng batsilyer sa sining (katumbas ng mataas na paaralan). Kumuha siyá ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas hábang nag-aaral ng pagiging agrimensor sa Ateneo. Huminto siyá sa mga kursong ito nang sa gulang na 21 ay lihim siyáng magpunta sa Europa.Tinapos niyá ang medisina at pilosopiya sa Universidad Central de Madrid sa España noong 1885.

Itinuring siyáng gabay ng Kilusang Propaganda at aktibong nagsulat sa diyaryong La Solidaridad. Noong 1889, ipinalathala niyáng muli nang may anotasyon sa London, England ang bihira nang matagpuang librong Sucesos de las Islas Filipinas ni Dr. Antonio de Morga na unang nalathala sa Mexico noong 1609. Bago iyon, nalathala na ang kaniyang nobelang Noli me tangere (1887) sa Berlin, Germany. Sinundan ito ng nobelang El filibusterismo(1891) na ipinalimbag sa Gent, Belgium. Isiniwalat ng kaniyang mga nobela ang kabulukan ng pamamahalang Español sa Filipinas at ang mga kahinaan ng simbahang Katoliko hábang naglalatag ng mga kaisipang pampolitika ukol sa pagpapalakas ng diwang makabayan. Pagbalik sa Filipinas noong 1892, dinakip siyá at ipinatapon sa Dapitan. Upang matapos ang destiyero, nagboluntaryo siyáng maglingkod bilang manggagamot sa Cuba noong 1896, taón ng pagsiklab ng Himagsikang Filipino. Muli siyáng dinakip sa kalagitnaan ng paglalakbay, kinasuhan ng panghihikayat ng rebelyon, at binitay noong umaga ng 30 Disyembre 1896. Ang kamatayan ni Jose Rizal ay lalong nagsilbing liwanag sa mga kababayan na ipagpatuloy ang rebolusyon tungo sa pambansang kasarinlan at pagbubuo ng nasyon. (MIM)

Cite this article as: Rizal, Jose. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/rizal-jose/