kaláso

Philippine Fauna, aquatic animals, fish

Ang isdang kaláso ay kabilang sa pamilyang Synodontidae. Matatagpuan ito sa mga karagatang Atlantico, Indian, at Pasifico, mula Red Sea at silangang bahagi ng Africa (mal-iban sa Kenya), kasáma ang Madagascar hanggang Persian Gulf, dagat ng Arabia, hanggang sa silangan at timog-silangang Asia at Australia. Kalimitan ay nása dagat ito, at madálang sa tubig na bahagya ang alat. Maliliit at hugis silindro ang katawan. Ang palikpik ay walang tinik at ang malaking bibig ay punô ng payát at matalas na ngipin, maging sa may dila. Ang kalaso ay naglalagi sa mapuputik na bahagi ng dagat, sa may lalim na 10-60 m. Kumakain ito ng isdang tulad ng dilis at banak, krustaseo, at pusit.

Maraming uri ng kalaso at 13 species ang naitalâ sa Filipinas. Ang karaniwang uri ay Saurida tumbil. Ang katawan ay hugis sigarilyo, pabilog, at medyo siksik. Ang ulo ay patulis at pikpik at ang nguso ay mas malapad kaysa habà nitó. Kulay kayumanggi sa itaas ng katawan at pilak sa ibabâ at ang likod ay may maputlang mga linya. Ang dulo ng palikpik sa likod at pektoral at ilalim ng palikpik sa buntot ay kulay itim. Ang pinakamalaking naitalâ ay 60 sm.

Ang isa pang species ng kalaso ay Saurida undosquamis na matatagpuan sa silangang bahagi ng dagat ng India, peninsula ng Malay at timog ng Filipinas, hilaga ng Java, at kalahati ng hilaga at timog-kanluran ng Australia. Ang nguso nito ay pabilog. Ang kulay ay mala-abong kayumanggi sa itaas at kulay-gatas sa ilalim na may 8 hang-gang 10 maitim na marka sa gitna ng tagiliran. Ito ay may karaniwang habà na 30 sm at ang pinakamalaking naitalâ ay 50 sm. Ito ay nangingitlog mula Abril hanggang Mayo sa Japan. (MA)

Cite this article as: kaláso. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kakaw-2-2-2-2-2-2/

Related Articles